Hindi napigilang maiyak ni ka-Palay Lyka C. Abayon-Sia, 28, ng Tarlac nang sambitin nito ang kanyang mensahe para sa mga kapwa graduate ng “Rice Competitiveness Enhancement Fund – Rice Extension Service Program (RCEF-RESP) Training of Trainers (TOT) on the Production of High-Quality Inbred Rice and Seeds, and Farm Mechanization” ngayong araw sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija.
Kwento ni Lyka, nahihirapan ang kanyang kalooban sa tuwing kanyang maririnig mula sa mga magsasaka ang mga katagang, “ito lang kami, hindi na kami aangat.”
Nang dahil sa RCEF Extension Program, nakita niya ang kahalagahan ng mga trainors para sa mga magsasaka.
“Tatanggalin po namin yung ‘lang’ sa kanila. Tutulungan namin silang maging proud dahil sila ang sentro ng ekonomiya,” sambit nito.
Dagdag ni Lyka, maibubuod ng salitang SIKAP (S for Skills, I for Improve, K for Knowledge, A for Attitude, and P for Patience, Perseverance, and Dedication) ang kanilang karanasan sa tatlong linggong pagsasanay.
Dalawampu’t pitong trainors mula sa Nueva Ecija at Tarlac ang nagsipagtapos sa training kung saan sila ay nakapagtala ng 73.56% average gain-in-knowledge.