Gaya ng iba, nagduda din ang ilang miyembro ng Inabasan Small Farmers Association (ISFA) na sakto na sa isang ektarya ang 40-kilong binhi.
Kwento ng grupong ito mula San Jose Buenavista, Antique mas panatag daw sila kung 160 kilo ang isinasabog nila kada ektarya.
Nang makasali sila sa PalaySikatan technology demonstration ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Seed Program, nagbago ang nakagawian nilang ito.
“Nagulat kami na 20 kilo lang ang ipinapatanim nila sa amin sa kalahating ektarya. Nagdadalawang-isip kami noong una. Pero, sumunod pa rin kami kasi baka maganda naman ang kalabasan. Buti na lang sinubukan namin. Salamat sa RCEF!“, masayang ibinahagi ni Jobert Daniel, presidente ng ISFA.
Nasaksihan naman ng mahigit 90 magsasaka ang performance ng techno demo nila Mang Jobert sa katatapos lamang na PalaySikatan field day sa lugar. Nakita dito ang iba’t ibang barayti ng palay na itinanim gamit ang seed spreader at pinamahalaan gamit ang mga rekomendadong pamamaraan sa pagpapalayan na itinuro ng DA-PhilRice Negros RCEF Unit at mga agriculture technician ng San Jose Buenavista sa kanila.
Sa anim na barayting ibinida sa techno demo, napusuan nila ang NSIC Rc 506 dahil maganda ang tayo nito at maraming mamunga.
(DA-Philrice Negros, FB)