Patuloy ang suporta ng RCEF Seed Program sa mga magsasaka sa naganap na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Caraga State University, Ampayon, Butuan City. Binigyan ng kabuuang 18,964 sako ng sertipikadong inbred na binhi ang limang lungsod ng Agusan del Norte, kabilang ang Buenavista, Butuan City, Remedios T. Romualdez, Cabadbaran City, at Kitcharao para sa 2024 wet season.

Kasama sa nasabing turnover sina House Representative Martin Romualdez, Senador Bong Revilla, at iba pang mga kinatawan mula sa iba’t ibang lungsod. Dinaluhan rin ito ni Branch Director Dr. Gerardo F. Estoy Jr. at iba pang mga kinatawan mula sa mga ahensya sa agrikultura.

Kasabay nito, pinilahan ng marami ang booth ng PhilRice-Agusan kung saan ipinakita ang mga modernong teknolohiya sa pagpapalay. Nagbigay din ng labis na sigla at interes sa mga bisita ang naganap na raffle, kung saan ipinamahagi ang mga premyong tulad ng mga babasahin, kalendaryo, Malusog rice, sweat shirt, arm warmer, at iba pa. (FB, DA-PhilRice Agusan, March 24, 2024)