Isang farm tractor ang ipinagkaloob ng Municipal Agriculture Office (MAO) ng Busuanga sa mga magsasaka sa Barangay Sagrada, araw ng Miyerkules, Enero 27, 2022.
Ayon kay Maria Theresa Rabe, municipal agriculturist ng bayan, ang nasabing tractor na tinanggap ng Sikap Sugod Farmers Association (SSFA) ay bahagi ng suporta ng Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka ng barangay sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF)-Mechanization Program ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech).
Ang kagamitan na pansaka ay magagamit ng nasabing asosasyon upang makatipid dahil hindi na nila kailangang mag-arkila pa ng gamit mula sa pribadong indibidwal, na dagdag pa sa kanilang mga gagastusin sa pagsasaka.
“Kanina lang ito naibigay sa kanila, at malaking tulong ito para sa mga magsasaka ng Sagrada. Isang unit pa lang ito, pero ang buong farmers federation ay may tractor na rin,” pahayag ni Rabe.
Dagdag ni Rabe, pagsasaka ng palay ang pangunahing ikinabubuhay sa Brgy. Sagrada kung kaya’t patuloy silang nakikipagunayan sa DA upang mabigyan ang mga ito ng ibat-ibang farming programs at mga farming equipments.
Aniya, maraming mga farmers association sa Busuanga ang nakatanggap na rin ng mga farming equipments katulad ng hand tractor, harvester at mga farm inputs katulad ng fertilizer subsidy at rice seeds subsidy nitong nakalipas na taon. (Ruil Alabi, Palawan News)