Magtanim ay ‘di biro, pero mas madali kung nakaupo…
‘Yan ang “theme song” ng mga magsasaka sa San Ildefonso, Bulacan dahil nakagamit sila ng riding-type mechanical transplanter, isang makinarya na ginagamit sa paglilipat-tanim, Kaya nitong mataniman ang 1.25-2.0 ektarya sa isang araw.
Ang agwat ng tanim ng riding-type transplanter ay 30 sentimetro bawat tudling at 15-17 sentimetro naman kada tundos. Ang mga punla o “seedling mat” ay tinatanim gamit ang seedling trays o ang dapog method. Kung gagamit nito, maaari nang itanim ang punla sa loob ng 14-18 araw na may taas na 12-14 sentimetro. Mangangailangan ito ng 30 – 40 kilong binhi sa isang ektarya.
Ang isinagawang pagtatanim sa San Ildefonso ay bahagi ng PalaySikatan na sama-samang ipatutupad ng mga ahensya ng Rice Competitiveness Enhancement Fund – Rice Extension Service Program (RCEF-RESP) kasama ng Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice), Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech), Agricultural Training Institute (ATI), Technical Education And Skills Development Authority (TESDA), Land Bank at Development Bank of the Philippines. Layunin nito na maiangat pa ang ani at kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng paggamit ng mga dekalidad na binhi, pagpapalawig ng makinaryang pampalay, paggamit ng post-harvest facilities, at engganyuhin ang mga magsasaka sa agro-enterprise. (RCEF Seed Program, FB)