“Una akong nakatanggap ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) seeds sa municipal agriculture office (MAO) ng aming bayan taong 2020 buwan ng Mayo, at ito po ay itatanim ng buwan ng Hunyo. Advance po namin itong nakukuha bago pa dumating ang panahon ng taniman. Inuuna pong binibigyan ang mga magsasakang unang tumatanim sa aming bayan. Ito po ay may schedule kada barangay. At kada bigayan po ng binhi, kami po ay binibigyan ng mga babasahin tulad po ng Gabay sa pagtatanim ng palay, techno-kalendaryo, at pangangalaga sa sakit at peste ng palay.
Napakaganda po ng sistemang ipinatutupad ng MAO sa aming bayan. Simula po sa pagpaparehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA, sa pamimigay ng binhi, masasabi ko po na hindi nahihirapan kaming mga magsasaka dahil napakasupportive po ng mga kawani ng Department of Agriculture – Philippine Rice Research Institute o DA-PhilRice sa aming bayan.
Noong ako po ay kukuha na ng binhi ay may isinagawa pong briefing ukol sa programa ng RCEF, kung ano ang ibig sabihin ng RCEF, saan ito galing at saan napupunta, sino ang makikinabang, at paano ito maaavail ng mga magsasaka. Kaya mas lalo pong nagkaroon ng kaliwanagan sa akin ang programa.
Simula po noong 2020, ako ay nakatanim na ng mga sertipikadong binhi ng palay na mula sa RCEF gaya ng Rc 18, 216, 402, at 436. Lahat po naman iyon ay magaganda.
Pero mas nagustuhan ko po ang Rc 402 at 436 dahil sa mga binhi pong ito, ako po ay umani ng 168 kaban sa isang ektarya. May average weight itong 55.3 kilo kada kaban.
Napakalaking tulong po ng RCEF Seed Program sa akin at sa kapwa ko magsasaka dahil nakatipid po kami sa binhi. Di na po namin ito bibilhin at nakakasiguro pa po kami na ito ay sertipikado. Pantay na pantay at mabilis pong sumibol ang binhi, hindi malahok, at malaki pong umani. ‘Wag lang pong magkakasakit o mapepeste.
Malaking bagay din po ang mga makabagong babasahin na ipinamimigay sa amin ukol sa pagpapalayan dahil Tagalog ito at madaling maunawaan.
Nakasali din po ako sa PalaySikatan ng dalawang beses at masasabi ko pong marami po akong natutunang bago at kapaki-pakinabang. Ibang-iba sa dating pamamaraan na aking kinamulatan lalo na sa pagpupunla, paggamit ng mechanical transplanter, pamamaraan ng pag-aabono, at paggamit ng combine harvester.
Kung kami po ang tatanungin, dapat po magpatuloy ang RCEF Seed Program. Napakahirap po ng buhay ng magsasaka, lalo po at maliit lang ang parsela ng iyong sinasaka. Malaking tulong po itong RCEF sa mga magsasaka.
Sana madagdagan pa ang pondo nito at samahan din po ng mas malaki at masamahan din ng ibang programa para sa abono.”
– Jorge Acero, magsasakang benepisyaryo ng RCEF Seed at Extension Program mula Siniloan, Laguna
(RCEF Seed Program, FB)