Nitong Hulyo 8, 2022 masayang nagsipagtapos ang mga Bicolanong trainers sa pagsasanay ng Rice Competitiveness Enhancement Fund – Rice Extension Service Program (RCEF-RESP) -Training of Trainers (TOT) on Pest and Nutrient Management. Ang nabanggit na pagsasanay ay nilahukan ng 40 trainers mula sa iba’t-ibang farm schools ng Cam. Sur (11), Masbate (3), at Sorsogon (1). Sa loob ng 5 araw, magiliw at makabuluhan ang naging talakayan sa tamang pamamahala ng mga peste at sustansya ng lupa sa palayan. Ang pagsasanay na ito ay ginanap sa Carmel Agri-Learning Farm, sa Brgy. Binanuaanan, Pili, Cam Sur.
Ayon kay Jay-Ar Nagera Balid, trainer mula sa Bermudez Agricultural Farm, umaapaw sa karanasan at karunungan ang kanyang nakamit mula sa 5 araw na pagsasanay. “Yung bawat topic sa kada araw talagang binibigyan ako ng bagong kaalaman pagdating sa sektor ng agrikultura. Naintindihan ko yung PalayCheck system, fertilizer terminologies and classifications, lalo na yung fertilizer computation. Akala ko nung araw na mag co-compute kami nung fertilizer madali lang, yun pala hindi. Dahil sa training nadagdagan din ang aking kumpyansa at mas nakita ko ang kahalagahan ng tamang pamamahala ng mga peste at sustansya ng lupa sa palayan.” (DA-PhilRice Bicol, FB)