Upang mas mapabilis pa ang serbisyo at operasyon ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Seed Program sa mga probinsyang sakop ng Panay, nakipag-partner ang Department of Agriculture-Philippine Rice Research Institute (DA-PhilRice) Negros sa Aklan State University upang magkaroon ng substation ang ahensya sa nasabing isla.
Suportado din ito ng Department of Agriculture Regional Field Office 6 (DA-RFO 6) sa pangunguna ng kanilang Director na si Dir. Remelyn Recoter at ng Agricultural Training Institute Region 6 na pinangungunahan naman ng kanilang OIC Chief na si Mary Ann A. Ramos.
“Sa pamamagitan ng kolaborasyong ito, mas mapabibilis na ang access ng Aklan, Antique, at Capiz sa mga serbisyong hatid ng DA-PhilRice Negros sa ilalim ng RCEF, gaya ng pamamahagi ng binhi at mga babasahin. Madali na rin nilang matutugunan ang tanong ng mga magsasaka at mas ligtas din ang mga kawani sa ganitong setup,” sabi ni Dir. Recoter.
Lubos naman ang pasasalamat ng ASU Campus Director na si Dr. Michael Ibisate dahil bukod sa serbisyo ng RCEF, mas maraming oportunidad din sa rice research ang nagbukas para sa kanila.
Ngayong araw, nagkaroon ng ceremonial signing ng Memorandum of Understanding para sa nasabing kolaborasyon sina Dir. Recoter, Dr. Ibisate, ASU Vice President Dr. Cecile Legaspi, DA-PhilRice Negros Branch Director Dr. Gerardo Estoy Jr.
Inaasahang magbubukas ang DA-PhilRice Negros sub-station sa Science and Technology Agri-based Farm sa ASU Banga campus hanggang susunod na taon.
(DA-Philrice Negros, FB)