Usap-usapan sa PalaySikatan field day sa Balanga, Bataan ang drone seeder matapos makita ng mga magsasaka ang tindig ng mga palay na naitanim gamit ito.
Ayon kay Rufino Nocedal, pangulo ng Cupang West Multipurpose Cooperative, malaki ang pagkakaiba ng manu-manong pagsasabog-tanim kumpara sa drone seeding.
“Mas pantay ang pagsabog ng drone at hindi rin ganun kaaksaya sa binhi,” kwento ni Rufino.
Sang-ayon naman dito ang farmer-cooperator na si Gerardo de Leon.
“Napakaganda po nung drone. Sa karanasan ko, talagang makakabawas sa binhi kasi konti lang ang gagamitin kada ektarya. Makakatipid din sa pag-upa ng tao at maikli lang yung oras na kakailanganin sa pagtatanim,” sabi nya.
Ang drone seeder ay isa sa mga teknolohiyang ibinibida sa proyektong PalaySikatan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund(RCEF) Seed Program. Ipininapamalas din dito ang iba’t ibang rekomendadong barayti. Gamit ang drone, ipinakita ang performance ng mga barayting NSIC Rc 402, Rc 534, Rc 480, Rc 436, Rc 160, at Rc 222. Para kay Pilar Farrales, angat ang Rc 480.
“Yung [Rc] 480 mas OK, may katamtaman na laki at tangkad, maganda uhay, mabilog ang bunga, hindi madaling dumapa. Sakto yung tangkad para di mabubuwal ‘pag may hangin o bagyo”, aniya.