Ganap na 37 LGUs sa probinsya ng Quezon ang aktibong nakilahok sa isinagawang social mobilization at capacity building workshop ng RCEF Seeds and Extension PhilRice Los Baños nitong nakaraang Oktubre 11-12, sa Ouan’s The Farm Resort sa bayan ng Lucena.
Layunin ng gawaing ito na mas paigtingin pa ang ugnayan at pagtutulungan ng LGUs at PhilRice Los Baños para sa matagumpay na pagsasagawa ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF)-Seed Program sa mga bayan na kanilang nasasakupan.
Tinalakay sa mga LGU ang mga mahahalagang impormasyon hinggil sa mga protokol sa paghahatid, pamamahagi, at alokasyon ng binhi nang may diin sa mga karagdagang gabay at alituntunin. Bukod pa rito, binigyan din sila ng impormasyon tungkol sa resulta ng programa sa produksyon ng palay sa buong probinsya.
Ayon kay Gracielle Revilla Decena ng Mulanay LGU, “Kung updated ang impormasyon, akma at tama, ganun din ang mga maibababang impormasyon sa mga magsasaka.”
Nagsilbing daan din ang aktibidad na ito upang maibahagi ng mga LGU ang kanilang mga hinaing at hamon na nararanasan sa pagsasagawa ng RCEF program, na siyang sinikap isipan ng aksyon at resolusyon sa mga naganap na talakayan.
Bukod dito, masayang ibinahagi rin naman ng mga LGU ang mga kwento ng tagumpay na dulot ng programa, pati na rin ang kanilang mga estratehiya at rekomendasyon na maaaring makatulong at isaalang-alang ng ibang bayan upang mas maisaayos ang kanilang implementasyon.
“Sa pamamagitan ng ganitong workshop, nalalaman na natin ang strength, weakness, opportunities, at challenges ng programa, kaya mas magiging efficient ang ating pagpaplano dahil malalaman natin kung saan tayo papasok,” ani ni Alvin Ilagan, Office of the Provincial Agriculture Representative. Dagdag pa niya, makatutulong ito sa pagpapaganda ng kalidad ng public service para sa mga magsasaka na sana ay makatulong na mapataas hindi lamang ang kanilang ani at kita, kung ‘di pati na rin ang kalidad ng kanilang mga buhay. (DA-PhilRice Los Baños, FB)