“Ang ganda ng tindig ng NSIC Rc 218!” Ito ang mabunying wika ni Lucera Agurin, agricultural extension worker ng provincial agriculture office ng Kalinga, matapos niyang ikutan at tingnan ang mga barayti ng palay na tinampok sa PalaySikatan sa Pinukpuk, Kalinga, kahapon.
 
Sa wari nya, mas mataas ang presyo ng NSIC Rc 218 kumpara sa ibang barayti ng palay kapag ito’y ibinebenta dahil ito’y malambot at mabango kapag niluto.
 
Sa wari din ng mga ibang dumalo sa PalaySikatan, kung magagawang tama ang pamamahala, mapapataas ang ani. Sa tindig pa lang ng barayti ng palay, tiyak na lalampas na sa 5 tonelada ang ani kumpara sa 4t/ha na ani lang noon.
 
Ang PalaySikatan ay isang paraan upang maipakita ang katangian ng mga national at regional na rekomendadong barayti ng palay, partikular ang ani, sa pamamagitan ng paggamit ng makinarya at angkop na pamamahala nito.
 
Naisakatuparan ang PalaySikatan sa Pinukpuk sa pagtulungan ng DA-PhilRice, TESDA farm school, makinarya mula sa PhilMech, at sa suporta ng PLGU, LGU, at MLGU Pinukpuk. (FB, DA-PhilRice Isabela)