Malaking oportunidad para sa mga magsasaka at farmer-leaders ng Bayombong, Nueva Vizcaya ang makadalo sa isang Farmer’s Field Day and Forum ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) PalaySikatan. Dito nila nasaksihan ang mga barayti at teknolohiyang pansakahan na angkop gamitin at mga barayting mainam itanim sa kanilang lugar ngayong 2023 wet season.
“Napakaganda ng layunin ng programang ito sapagkat binibigyan kami ng sapat na kaalaman na maaaring makatulong sa pagpili ng barayting swak at maani,” hayag ni Fernando Balut Sr., Bise Presidente ng Luyang San Nicolas Irrigators Association.
Dagdag niya, “very economical ang seed spreader na ginamit sa pagtatanim. Bilang lider ng asosasyon, ibabahagi at aanyayahan ko ang mga miyembro na gamitin ito upang makamenos sa manual labor.”
Bilang tugon din ng LGU sa epekto ng aktibidad, nagpahayag silang bibili ng ilang unit ng seed spreader at drum seeder na ipapahiram sa mga magsasaka sa bayan sa sunod na taniman.
Kasama rin ang Bukid Tipid Tips sa ibinahagi sa 130 na kalahok na kinabibilangan ng mga farmer-leaders, member and leaders of Irrigators Association, at mga magsasaka mula sa 25 barangays ng Bayombong, Nueva Vizcaya. (FB, DA-PhilRice Isabela)