MAKAKAPAGTANIM NA MULI ang mga ka-Palay natin sa Brgy. Pook, Kalibo, Aklan ngayong 2023 wet season matapos matanggap ang kanilang mga certified seeds sa katatapos na Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Kick-Off Seed Distribution Ceremony at Rice Extension Service Program (RCEF-RESP) Technical Briefing na ginanap sa nasabing lugar, Abril 18, 2023.
 
Isa na rito sina ka-Palay Francisco Dayal, 56, at Lani Lubrique, 62, ng Pook Farmers Association na kapwa apat na taon nang benebisyaryo ng RCEF Seed Program.
 
Kwento nila, maagang dumarating ang binhi mula sa RCEF kaya naitatanim nila ito agad.
 
“Lahat ng barayti na nakuha ko pa simula noong una [NSIC Rc 216, 222, at 10] matibay talaga sa sakit at marami akong naaani basta’t maganda ang panahon. Umaabot ito sa 350 kaban na may bigat na 40kg sa dalawang ektarya,” sambit ni Francisco.
 
Samantala, umaasa naman si Lani na hindi na sana mawala ang RCEF dahil libre na ang kaniyang binhi sa kabila ng mataas na inputs.
 
Nasa 600 na sako ng dekalidad na binhing palay ang ipinamahagi sa higit 200 magsasaka. Maliban sa binhi, nagpamigay din ng mga babasahin at nagbahagian ng kaalaman tungkol sa Key Check 5 ng Sistemang PalayCheck. ✅✅💡
 
Kasama sa nasabing aktibidad ang OIC at Assistant Branch Director ng PhilRice Negros, OPA-Aklan, MAO-Aklan, TESDA, LBP, PhilMech at iba pang partner-agencies.  (FB, DA-PhilRice Negros)

.