‘Wala nang palitan ng binhi,’ ito ang sinabi ni ka-Palay Patricio Tayopon, 55, mula sa Brgy. Batuan, San Enrique, Negros Occidental dahil apat na taon na siyang tumatanggap ng certified seeds sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Seed Program.
Kwento niya, apat na dekada na siyang nagtatanim ng palay. Simula pagkabata, kinaugalian na nila ng kanyang pamilya ang pagpalit ng binhi sa kapwa nilang magsasaka.
Kasabay nito, malaki rin ang gastos nila na umabot sa 40,000 pesos sa 1 hektarya. “Ngayon, hindi ko na kailangan pang magpalit ng binhi dahil libre na at dekalidad pa ang binhi na natatanggap ko mula sa programa. Nabawasan na rin ang gastos ko sa produksyon mula 40k, aabot na lang sa 30k. Isa pa, nadagdagan ng 50 kabans pataas ang naani ko tuwing anihan,” dagdag pa niya.
Malaki rin ang naitulong ng programa dahil naituro sa kaniya ang Sistemang PalayCheck na hanggang ngayon ay pinagpatuloy niya.
Isa si Patricio sa 50 magsasaka na dumalo sa katatapos na RCEF Kick-off Seed Distribution Ceremony at Technical Briefing sa kanilang lugar. Ilan sa mga barayting ipinamahagi ay NSIC Rc 216, 222, 506, at 442. 🌾☀️ (FB, DA-PhilRice Negros)