Hinikayat ni ka-Palay Marivel Salenga, 52, mula Hermosa, Bataan ang kapwa niya mga nagsipagtapos ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Training of Trainers on Pest and Nutrient Management na ibahagi ang kanilang mga natutunan pagbalik sa kani-kanilang mga lugar. 

Batid ni Marivel ang kahalagahan ng dinaluhang pagsasanay dahil mulat siya sa kalagayan ng sakahan sa kanilang lugar kung saan kapos sa makabagong kaalaman sa pagpapalayan.

Obserbasyon niya, ito marahil ang dahilan kung bakit mataas ang gastusin at mababa pa rin ang ani sa kanilang lugar.

Ang pagsasanay ay programa sa ilalim ng RCEF- Rice Extension Services Program na bahagi ng Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law (RTL) na naglalayong mapalakas ang mga Pilipinong magsasaka.

Ang RTL ay naglalaan ng P10 bilyong pondo bawat taon para sa mga pinapamahaging libreng dekalidad na inbred seeds, makinaryang pambukid, at pagsasanay sa pagpapalayan. Pinopondahan din nito ang mga pautang na pangsakahan. (FB, RCEF Extension Program, September 26, 2023)