Tinatayang P10,402,440.63 halaga ng ayuda at interbensyon ang naipamahagi ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa mga magsasaka at mangingisda ng Laguna sa Launching of FY 2022 Rice Competitiveness Enhancement Fund- Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA), Fuel Discount Program for Corn Farmers and Fisherfolk, and Distribution of DA interventions, noong ika-17 ng Mayo, sa Los Baños, Laguna.
Tinanggap ng 500 magsasaka ng palay ang tig-lilimang libong piso (P5,000) ng ayuda mula sa RCEF-RFFA at ng 109 magmamamais ang tig-iisang Fuel Discount Cards na naglalaman ng tatlong-libong piso (P3,000).
Ang RCEF-RFFA ay patuloy na ipinatutupad alinsunod sa Republic Act (RA) No. 11203 o ang “Rice Tariffication Law (RTL)” at RA No. 11598 o ang “Cash Assistance for Filipino Farmers Act” kung saan ang pagbibigay ng sobrang taripa ay mandato taun-taon na ipinagkakaloob sa mga maliliit na magpapalay sa loob ng anim na taon.
Samantala, ang pamamahagi ng Fuel Discount Cards ay bahagi ng RA 11639 o ang Special Provision No. 20 of the General Appropriations Act of 2022 na naglalayong tulungan ang mga magmamais at mangingisda na maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng gasolina sa kanilang kabuhayan.
“Tandaan ninyo na patuloy ang suporta ng DA upang maging competitive ang ating sektor ng agrikultura sa ibang bansa. Hinihikayat ko po kayo na paigtingin ang ating pamamaraan sa pamamagitan ng paggamit ng teknolohiya at mekanisasyon. Hindi po kami titigil sa pagsusumikap upang patuloy na payabungin ang hanapbuhay ng ating mga magsasaka,” ani DA Secretary William Dar, Ph.D.
Bahagi rin ng aktibidad ang pamamahagi ng makinaryang pansaka, iba’t ibang binhi ng gulay, organikong pataba, farming inputs, at mga kagamitang pansaka sa 19 Farmers Cooperatives and Associations. Nakatanggap naman ang 30 Livestock Farmer ng tig-tatatlong sentinel pigs sa ilalim ng Swine Repopulation Program.
“Nakakatuwa at nagpapasalamat kami sa DA. Napalaking tulong po ang naibigay na tig lilimang-libong piso, traktora, at walk-behind rice transplanter sa aming grupo at mga miyembro. Sa ngalan po ng aming samahan, kami ay nagpapasalamat sa pamahalaan at DA sa patuloy na pagtulong sa pag-angat ng aming kabuhayan,” ani Samahan ng Magpapalay ng Bayog President G. Eloy Abejar.
Dumalo rin sa aktibidad sina DA Assistant Secretary for Operations and DA-4A Regional Executive Director Engr. Arnel de Mesa; Assistant Secretary for Strategic Communications G Noel Reyes, DA Assistant Director for Operations and Bureau of Fisheries and Aquatic Resources IV-A G. Sammy Malvas; Senator Cynthia Villar Representative Bb. Honeylet Familaran; Cong. Wilfrido Mark Enverga Supervising Political Officer G. Victor Haway; Laguna 2nd District Rep. Hon. Ruth Hernandez; Laguna Provincial Agriculturist G. Marlon Tobias; Development Bank of the Philippines Senior Vice President Antonio Owen Maramag; NFA-NCR Acting Warehouse Supervisor Mr. Ronald Paul Garcia; Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization Dir. Dionisio Alvindia; Philippine Coconut Authority Region IV Chief Ronaldo Rosales; SRA District Officer at iba pang kawani ng DA-4A. (Jayvee Amir P. Ergino-Department of Agriculture RFO 4-A, FB) (Photos from Von Samuel Panghulan)