Sunud-sunod ang isinagawang PalaySikatan field day sa Zambales para sa 2022 wet season. Sa mga bayan ng San Narciso at Botolan mukhang mas pinagkatiwalaan nila ang walk-behind transplanter. Anila, hindi daw ito mabigat sa bulsa.
“Pag transplanter ang ginamit eh talagang malaking tipid, kasi yung labor kaunti lang. Halos tatlo lang yung manpower na kailangan, yung operator at dalawa yung nag-aassist,” pagbabahagi ni Dalmacio Farin, pangulo ng Brgy. Dallipawen Farmers Association sa San Narciso.
Sang-ayon din si Noemer Dedicatoria, ka-palay mula sa Botolan. Kwento niya, kung lipat-tanim ay mainam ang nasabing makina dahil nasa 75% raw ang naibawas niya sa kanyang gastos.
Walk-behind transplater din ang ginamit ng mga farmer-cooperator sa Paudpod.
Ang makinang ito ay may kakayahan na matamnan ang 1-1.5 ektarya sa isang araw. Ang agwat ng tanim ay 30 sentimetro bawat tudling at 15-17 sentimetro naman kada tundos. Ang mga punla o “seedling mat” ay tinatanim gamit ang seedling trays o ang dapog method. Kung gagamit nito, maaari nang itanim ang punla sa loob ng 14-18 araw na may taas na 12-14 sentimetro. Mangangailangan ito ng 30 – 40 kilong binhi sa isang ektarya.
Ang PalaySikatan technology demonstration ay isang proyekto ng Rice Competitiveness Enhancement Fund(RCEF) Seed Program na naglalayong i tampok ang iba’t-ibang rekomendadong barayti at mga makinarya na maaaring gamitin ng mga magsasaka upang mas mapataas ang kanilang ani at mapababa ang gastos sa pagpapalayan. (Dalmacio Farin, RCEF Seed Program, FB)