Pangalawang araw pa lamang ng 5-day back-to-back Training of Trainers (TOT) on Pest and Nutrient Management (PNM) sa Mindoro ay marami nang natutunan ang mga farm school trainers mula sa iba’t ibang bayan sa Oriental at Occidental Mindoro.

Pagbabahagi ni Mr. Reymundo Isug, TESDA trainer, tumatak sa kanya ang diskusyon ng ecological engineering dahil bago ito sa kanyang pandinig. Dito ay nalaman niya na makatutulong sa pagpaparami ng kaibigang kulisap ang kahit anong halamang namumulaklak.

Inaasahan naman ni Ms. Angelica Dionela, farm school staff, na mas lalawak pa ang kanyang kaalaman sa pagpapalayan maging sa mga programa ng gobyerno na makatutulong sa mga magsasaka sa pagpapataas ng kanilang ani sa pagdalo niya sa TOT.

Ang TOT on PNM ay naglalayong makapagbigay-daan sa mga kalahok na magkaroon ng dagdag na kaalaman sa epektibong pamamahala ng peste at sustansya batay sa PalayCheck System, at paghusayin ang kanilang kapasidad na makapagturo sa mga magsasaka.

Ang pagsasanay ay programa sa ilalim ng RCEF- Rice Extension Services Program na bahagi ng Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law (RTL) na naglalayong mapalakas ang mga Pilipinong magsasaka. Ang RTL ay naglalaan ng P10 bilyong pondo bawat taon para sa mga pinapamahaging libreng dekalidad na inbred seeds, makinaryang pambukid, at pagsasanay sa pagpapalayan. Pinopondahan din nito ang mga pautang na pangsakahan. (FB, DA-PhilRice Los Baños, November 7, 2023)