Kumbinsido ang mga farmer-cooperators ng San Carlos, Tabaco City sa mga rekomendasyon ng eksperto sa pag-pagpapalayan matapos ang isinagawang Lakbay Palay sa kanilang lugar.
Ibinahagi ng mga magsasakang bahagi ng PalaySikatan demo farm ng Rice Competitiveness Enhancement Fund(RCEF) na malaking tulong sa kanila ang paggamit ng mechanical transplanter sa pagtatanim. Pansin nila na ugat ng palay ang ibinabaon ng makina, kaya naman magaganda ang tindig nito.
Hindi naman makapaniwala si ka-Palay Ulysses Perez na malaki ang itinaas ng kanyang ani dahil sa pag sunod sa tamang panahon ng pag-aabono.
“Kung dati umaani lang kami ng 20 sako na may 40 kilo, ngayon umani kami ng 32 sako na may 51 kilo sa aking 1/4 ektarya.”
Ang barayting itinanim ni Ulysses na NSIC Rc 480 ang siya namang nanguna sa varietal evaluation ng mga magsasaka ng San Carlos, Tabaco City. Anila nagustuhan nila ito dahil katamtaman ang taas at puno ang butil.
(DA-PhilRice Bicol, FB)