Sa kasalukuyang annual review ng PhilRice RCEF Seed Program at RCEF Extension Program, ibinahagi ni Dr. Flordeliza Bordey, director ng PhilRice RCEF Program Management Office na mula sa dating 3.63t/ha na karaniwang ani ng mga magsasaka noong 2019 dry season, tumaas ito ng 4.36t/ha nitong 2023 dry season.

Inihayag naman ni Dr. Karen Eloisa Barroga, RCEF Extension Program vice chair, na malaki ang naitulong ng mga pagsasanay na itaas ang kumpiyansa ng mga extensionists sa pagpapalaganap ng teknolohiya at sa kanilang aktibong pakikilahok sa mga programang pang-agrikultura.
Dahil din sa mga pagsasanay, mayroon nang 25-48 rice experts sa bawat rehiyon na tumutulong sa ating mga ka-Palay.

Sa tulong naman ng communication support services, napag-alaman sa isang survey ng 154 RCEF farmers na karamihan sa kanila ay binago ang mga nakagawiang pamamahala ng sustansya, paghahanda ng lupa, pangangalaga ng binhi, at pag-ani base sa mga babasahing nagsibilbing gabay na tumaas ang kanilang ani at bumaba ang gastusin sa pagpapalayan.

Ibinahagi naman ni Dr. John De Leon, PhilRice executive director, na malaki ang naitulong ng mga programa sa naitalang pinakamataas na ani ng bansa na 20.05 million metric tons nitong 2023.
Dahil dito, nawika ni Senator Cynthia A. Villar, chair ng Committee on Agriculture and Food, na kanila nang pinag-aaralan ang pagpapatuloy ng RCEF matapos ang 2025 dry season.

Ang RCEF Seed Program Seed and RCEF Extension Program annual review ay kasalukuyang ginaganap sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija, Feb. 6-8, 2024. (FB, DA-PhilRice, February 6, 2024)