Ayon kay Mary Cris Ripalda ng Gayas Farm, isa sa mga nagtapos sa Training of Trainers on Pest and Nutrient Management na isinagawa sa NIA Regional Training Center, Tacloban City, Leyte, mahalaga na ipagpatuloy ang pagbahagi ng mga impormasyon at kaalaman sa pagpapalay upang tulungan ang gobyerno na itaas ang antas ng pagsasaka.

“Bilang isang trainer, maganda na narerefresh tayo ng iba’t ibang pamamaraan sa pamamahala ng peste at pag-aabono na amin namang ibabahagi sa mga magsasaka sa aming lugar,” wika ni Mary Cris.

Kasama si Mary Cris sa 35 trainers na sumabak sa limang araw na pagsasanay na kung saan kasama sa kanilang natutunan ang tamang elemento, dami, at timing sa pag-aabono base sa kasalukuyang ani.

Ang pagsasanay ay programa sa ilalaim ng RCEF-Rice Extension Services Program na bahagi ng Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law na naglalayong mapalakas ang Pilipinong magsasaka.

Ang RTL ay naglalaan ng P10 bilyong pondo bawat taon para sa mga pinapamahaging libreng dekalidad na inbred seeds, makinaryang pambukid, at pagsasanay sa pagpapalayan. Pinopondohan din nito ang mga pautang na pangsakahan. (DA-PhilRice Bicol, FB)