Nakapundar ng lupain at nakapagpatayo ng bahay si ka-Palay Bernadeth T. Bagninit, 42, ng Tabuk City, Kalinga, dahil sa kanyang dedikasyon at pagpupursige sa pagpapalayan.

Bago makamit ni ka-Palay ang kita na umabot ng 500,000 nitong 2024 Dry Season, binida niya ang malaking tulong na natanggap mula sa iba’t-ibang ahensya ng Department of Agriculture, particular na ang RCEF Program sa kanya.

“Taong 2022, nanood ako ng PalaySikatan ng RCEF [Seed] program dito sa Tabuk City, Kalinga. Nasaksihan ko yung pag-demo ng drum seeder, kaya simula noon, nagkainteres akong subukan ito sa aking palayan,” kwento niya.

Noong binigyan kami ng Department of Agrarian Reform (DAR) ng drum seeder, simula noon, ‘yun na ang ginamit namin sa pagtatanim hanggang ngayon. Dahil magaan at madali lang gamitin, ako na mismo ang nagdadrum seeder,” dagdag pa niya.
Upang mas madagdagan ang kaalaman niya sa pagpapalayan, nag-aral si Bernadeth sa Bacayan Rice-Based Integrated Farm School sa Tabuk City, Kalinga.

Kwento niya, nitong Abril 2024, umani siya ng 100-120 kaban kada ektarya na may timbang na 60kg kada sako sa limang ektaryang palayan sa pagtatanim ng binhing inbred. Naibenta niya ito ng sariwa sa presyong 20 pesos kada kilo.

Nagpapasalamat ako sa RCEF Seed Program sa libreng binhi, sa programa ng DAR sa pagbigay ng drum seeder, sa pautang ng Landbank, sa farm school, at sa iba pang ahensya ng gobyerno na patuloy na tumutulong sa aming mga magsasaka,” wika niya. (FB, DA-PhilRice Isabela)