Malaki ang papel ng mga seed grower sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Seed Program dahil sila ang nagpaparami ng certified seeds na ipinamimigay sa mga magsasaka. Kaya mahalagang mas pagtibayin din ang kanilang samahan.
Kamakailan lang ay nagsagawa ng training ang RCEF Unit ng Department of Agriculture – Philippine Rice Research Institute (DA-PhilRice Negros) tungkol sa organizational building na nilahukan ng Rice and Corn Seed Growers Association Incorporated (RCSGAI) ng Negros Oriental.
Bahagi rin ng pagsasanay ang pagpapalakas sa RCSGAI upang maging accredited seed producer ng Negros Oriental. Sa kasalukuyan ay kasama sila sa Bohol Farmers Multipurpose Cooperative, isa sa mga accredited seed grower ng RCEF sa Bohol.
“Sa pamamagitan nitong training, mas maisasaayos namin ang aming asosasyon at matutugunan namin ang mga kakaharapin naming problema para mapatibay at magtagumpay kami,” pagpapasalamat ni Ariel Capilla, president ng RCSGAI.
Kasama sa nagsagawa ng training ang Bureau of Plant Industry – National Seed Quality Control Services, Department of Agriculture Regional Field Office 7, Cooperative Development Authority, Department of Trade and Industry, at mga local government units.
(DA-PhilRice Negros, FB)