May kabuuang 174 na magsasaka mula sa bayan ng Balabac ang nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) na nakapaloob sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), noong araw ng Huwebes, Hunyo 23.
Ang nasabing tulong pinansyal ay may nakalaang pondo na P870,000 kung saan, bawat magsasaka ay nakatanggap ng halagang P5,000.
Ang RFFA ay isa sa mga programa ng DA na umaagapay at kumakalinga sa mga magsasaka ng palay sa buong bansa upang ipagpatuloy ang kanilang pagtatanim.
Ayon kay Patricio Sonio, isa sa mga benepisyaryo na nagmula sa Barangay Salang, malaking kaginhawaan para sa kanila ang nasabing ayuda.
“Maraming salamat po sa gobyerno na kayo ay nakarating dito upang makapag-abot ng tulong sa aming mga magsasaka. Malaking tulong ito sa aming mga farmer. Pambibili namin ito ng mga gamot sa palay at abono,” pahayag ni Sonio.
Nagpasalamat din si Mayor Shuaib Astami sa DA sa tulong na ipinagkaloob sa mga magsasaka ng Balabac.
Samantala, ayon sa Municipal Agriculture Office (MAO), ang rice production ng bayan ng Balabac ay sapat lamang para sa mga mamamayan kaya hindi iminumungkahi na mag-export ng produkto sa mga karatig-munisipyo nito.
Hindi pa rin nakapagbenta ng palay sa labas ng bayan ang mga magsasaka sa mga nakalipas na taon dahil sa mababang produksyon kaya inuuna nilang mag-supply ng bigas sa bayan.
Ayon kay municipal agriculturist Manuelo Redison, mas mataas ang rice importation ng bayan kaysa sa exportation bawat taon.
“Wala tayong record talaga na may mga farmers tayo ang nagbebenta ng palay sa labas. Ang mga farmers natin dito ay nagpapagiling dito sa Balabac at local buyers na rin ang bumibili ng bigas,” pahayag ni Redison.
“Mas mataas ang taga-Balabac na bumili pa ng bigas sa Brooke’s Point at Bataraza kaysa sa sila pa ang magbenta,” dagdag niya.
Sa datos ng MAO, mayroon lamang 360 hectares ang rice land potential sa bayan na karamihan ay mula sa apat na agricultural and upland areas ng mga barangay ng Salang, Indalawan, Poblacion 6, at sa bahagi ng barangay Catagupan.
“Sa assessment kasi natin, bawat ektarya ay nakaka-harvest sila ng 50 to 60 kaban. Kung i-evaluate natin, palagay ko kulang pa rin, kaya mas may ilan pa ring nagkakaroon ng rice importation mula sa mga karatig lugar natin. Minsan kung hindi productive ang cropping ay 40 to 50 lang kada ektarya,” paliwanag niya.
Dagdag ni Redison, patuloy pa rin ang paghihikayat ng kanilang tanggapan sa mga magsasaka na dagdagan ang mga lupaing sinasaka.
“May iba pang lugar sa apat na barangay na ito na pwede pa nilang i-cultivate upang madagdagan natin ang ngayong 370 ektarya ng rice land sa Balabac,” aniya.
“Dito kasi sa Balabac, madalang ang nagbebenta ng palay. Ang ginagawa nila, from harvest ibibilad at ipapagiling saka ibebenta ang bigas,” dagdag niya.
(Ruil Alabi, Palawan News)