Matapos ilunsad ang Sariaya Farmer’s Federation (SAFAFED) bilang unang convergence site sa CALABARZON, sumunod nang kinilala ang SANTAMASI Irrigators Association, Inc. mula sa Santa Maria, Laguna bilang pangalawang convergence site sa rehiyon. Bilang parte ng convergence site at PalaySikatan technology demonstration sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund – Rice Extension Service Program (RCEF-RESP) sa pangunguna ng Department of Agriculture – Philippine Rice Research Institute (DA-PhilRice) at Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (DA-PHilMech) nalaman ng mga magsasaka ang iba’t-ibang paraan ng pagpupunla para sa paglilipat-tanim gamit ang mechanical transplanter.
Tinalakay ni Engr. Glenn Joshua Furigay ng DA-PHilMech ang tatlong pamamaraan ng pagpupunla gamit ang manual seeder, modified dapog o double-mulching technique, at mechanical seeder. Modified dapog ang ginamit sa Santa Maria dahil mas mabilis at matipid ang ganitong paraan.
Ayon kay Anacleto dela Cruz, katulad ng ibang farmer-cooperators sa lugar, eksayted na silang gumamit ng mechanical transplanter. Nadalian din sila sa modified dapog dahil maihahalintulad ito sa pagdadapog na ginagawa nila noon. Ang pagkakaiba lang ay mulching film na ang gamit ngayon at hindi dahon ng saging.
Nakatakdang maglipat-tanim ang mga magsasaka sa June 21, 2022. Ang PalaySikatan technology demonstration ay isang aktibidad sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Seed Program na naglalayong ipakita ang epekto ng paggamit ng rekomendadong binhi at iba’t-ibang teknolohiya at pamamaraan sa pagsasaka. (DA-PhilRice Los Baños, FB)