Sa pagrerepaso ng implementasyon ng RCEF programs na pinapatupad ng PhilRice, iniulat ni Dr. Flordeliza Bordey na nakamit ng mga magsasakang kasama sa programa ang 4.27t/ha na pangkaraniwang ani nitong 2022 dry season. Nasa 4.04t/ha naman nitong 2022 wet season.
Dagdag pa ng PhilRice RCEF Program Management Office head, mahigit sa 11.7 milyong sako ng RCEF seeds ang naipamigay sa halos 1 milyong magsasaka sa loob ng 7 cropping seasons.
Halos 600 na PalaySikatan techno demo sites na rin sa bansa ang naisagawa simula nang ipinatupad ang programa. Hakbang ito ng PhilRice upang maipakilala ang iba’t ibang rekomendadong barayti ng palay at mga modernong teknolohiya at pamamaraan sa pagpapalayan.
Sa RCEF Extension Program naman na iniulat ni Dr. Karen Eloisa Barroga, umabot na sa 518 rice specialists ang sinanay sa Rice Specialist Training Course mula 2019.
Nasa 4.8M naman ang mga naipamahaging babasahin sa mga magsasaka at rice specialists. Naisagawa din ang mga technical briefings, mga online at interpersonal na talakayan, at text blasts para magabayan ang ating mga ka-Palay.
Pinuri at pinasalamatan nina Sen. Cynthia Villar, Senior Undersecretary Domingo Panganiban ng Kagawaran ng Agrikultura, at House Committee on Agriculture and Food Chair Wilfrido Mark Enverga ang PhilRice sa implementasyon ng programa.
Ang PhilRice RCEF Annual Review ay ginanap noong Feb. 8 hanggang Feb. 10 sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija.
(DA-PhilRice | DA-PhilRice Batac, FB)