Noong nakaraang Hulyo ay nagsagawa ng ‘rouging’ ang mga farmer-cooperators mula sa Sariaya, Quezon. Hindi na nahirapan sina Edwin Balalad at Rogelio Mendoza, farmer-cooperators, dahil matagal na silang nagtatanggal nito at madali na para sa kanilang kilalanin ang ‘weedy rice’ sa palayan.
Ayon kay Mang Edwin, manual niyang tinatanggal ang mga palay-palay. Agaran niya itong tinatanggal upang hindi maapektuhan ang kanyang ani. Dagdag pa niya, kung hindi agarang tatanggalin ang weedy rice ay madadaig nito ang palay sa pagkuha ng sustansya sa lupa. Ang resulta? Nagiging payat at mahinang sumuwi ang palay.
Madali nang nakikilala ni Mang Edwin at Mang Rogelio ang ‘weedy rice’ dahil kakaiba ang tayo nito na karaniwang mas mataas, mas makitid ang dahon, at wala sa linya o hanay kung ito ay tumubo.