Sa kanilang muling pagtanggap ng dekalidad na binhing palay mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund(RCEF), mas naging kampante sa pagsasaka ang mga ka-palay natin mula Hermosa, Bataan na sila Darwin Bonagua at Eufemia Sarmiento.
Kwento ni Mang Darwin, chairman ng Balsic Agrarian Reform Beneficiaries Association, masaya silang makatanggap muli ng binhi dahil sa benepisyo na nakukuha nila sa pagtatanim ng certified seeds.
“Maganda ang ani namin sa binhing bigay ng RCEF. Sa totoo lang, hindi na namin gustong bumalik sa hula hula lang. Subok na namin ito, maganda at nakita namin yung resulta. Libre pa. Pero kung matapos man yung RCEF program, tutuloy pa rin kami sa paggamit ng certified seeds” aniya.
Sang ayon naman dito si Aling Eufemia.
“Certified seeds pa rin gagamitin ko kasi yung inaani ko mas malaki, siguradong less yung gastos, at hindi babaratin ng bumibili. Kasi yung ibang binhi, ang daming halo. Pero sa certified seeds na binibigay ng RCEF, sigurado at subok na, kaya ang laki ng benefit nito sa amin,” aniya.
Ilan lamang sila Mang Darwin at Aling Eufemia sa mga naunang magsasaka na nakatanggap ng RCEF seeds kahapon sa nasabing lugar. Ayon sa municipal agriculture office ng Hermosa, nasa lampas 200 sako na tig-20 kilo na ang naipamigay nila at tuluy-tuloy pa ito sa mga susunod na araw.
Nabigyan din sila ng mga babasahin na magsisilbing gabay nila sa mga makabagong teknolohiya’t pamamaraan sa pagpapalayan.
Unang bugso pa lang ito ng RCEF seed distribution, mga ka-palay! Mainam na makipag-ugnayan din kayo sa inyong city o municipal agricultural office para malaman niyo kung kailan naman ang schedule sa inyong lugar.
(RCEF Seed Program, FB)