Bilang isang anak ng magsasaka, batid ni ka-Palay Zara P. Caringal, 30, ng Tiaong, Quezon ang pakiramdam na kapos sa angkop na kaalaman, tulong, at suporta sa pagpapalayan.

Kaya naman nang mabalitaan niya sa Facebook page ng DA-PhilRice at RCEF Extension Program ang pagsasanay na Rice Specialists’ Training Course ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Program, agad siyang tumugon sa hamon at nagpasa ng aplikasyon, bitbit ang hangaring makatulong sa mga kapwa magsasaka sa kanilang probinsiya.

Sa halos apat na buwang pagsasanay, mas pinalakas ni Zara at ng 32 kalahok ang kanilang kaalaman sa rice-based technologies lalo na sa pagsuri at pamamahala ng mga suliranin sa palayan na kanilang sandata sa kanilang paglilingkod sa ating mga ka-Palay.

“Gusto ko ng pagbabago at improvement hindi lang para sa sarili ko kung hindi para rin sa mga magsasaka na nakasama ko, kasama, at makakasama,” diin ni Caringal.

Ang pagsasanay ay programa sa ilalim ng RCEF- Rice Extension Services Program na bahagi ng Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law (RTL) na naglalayong mapalakas ang mga Pilipinong magsasaka.

Ang RTL ay naglalaan ng P10 bilyong pondo bawat taon para sa mga pinapamahaging libreng dekalidad na inbred seeds, makinaryang pambukid, at pagsasanay sa pagpapalayan. Pinopondahan din nito ang mga pautang na pangsakahan. (FB, RCEF Extension Program, Sept. 18, 2023)