Matapos ang siyam na araw ng pagsasanay ay pormal nang nagsipagtapos ang 30 kalahok ng Training of Trainers on Pest and Nutrient Management na mula pa sa iba’t ibang munisipyo ng Palawan.

Bukod sa pag-aaral ng epektibong pamamahala ng peste at sustansya base sa PalayCheck System, tinuruan din ang mga kalahok ng paggamit ng mga aparato sa pagpapalay tulad ng LCC ruler, MOET kit, at iba pa. Nagkaroon din sila ng Agro-Ecosystem Analysis o AESA para masubukan ang kanilang kakayahan na alamin ang kalagayan ng palayan at makapagbigay ng tamang rekomendasyon.

Sa pagtatapos ng programa, hinimok ni Provincial Agriculturist Dr. Romeo M. Cabungcal ang mga kalahok na sa bawat pagkakataong mabibigyan sila ng bagong kaalaman sa pagpapalay, katuwang nito ang pagpapaunlad at pagtulong nang may malasakit sa kanilang kapwa-magsasaka.

Binigyan din sila ng payo ni Ms. Jacqueline Canilao, RCEF Coordinator, na ang kanilang “purpose” sa buhay ang lagi nilang panghahawakan sa pagtulong sa mga magsasaka at maniwala silang dadating ang panahon na mababago rin ang kabuhayan ng magsasakang pilipino.

Ang mga kalahok ay nagtapos noong Hunyo 21. Pagbati sa inyo, mga ka-palay! (FB, DA-PhilRice Los Baños, June 28, 2024)