Rekomendasyong pagpapalayan, ibinahagi sa mga ka-Palay sa Alfonso Lista, Ifugao

Kung tutuusin, sobra pa ang 40kg sa isang ektarya.” Ito ang naging pahayag ni ka-Palay Michael Gaoiran, 55, sa kanyang mga kapwa magsasaka sa Alfonso Lista, Ifugao.

Sinang-ayunan naman ito ni Ka-Palay Rey Sagun, 49, na nagtatanim rin ng 40kg/ha na binhing inbred na galing sa RCEF Seed Program.

Sa pagbabahagi ng kanilang mga karanasan, ang mag-asawang sina Myrna at Ericson Rimando ay nakagawian na raw ang pagtatanim ng 80kg/ha. “Akala kasi namin, ‘pag mas maraming binhi, mas marami ang ani. Yung pasobra naman ay inilalaan para sa mga kuhol,” wika ni Myrna.

Samantala, muli namang nagbigay ng payo at kaalaman ang mga eksperto ng DA-PhilRice Isabela katulad ng mga benepisyo ng pagtatanim ng rekomendadong binhing 40kg/ha. Kasunod nito, inirekomenda naman ang tamang pag-abono sa pamamagitan ng resulta ng Minus One Element Technicque (MOET).

Ang MOET Kit at App ay mga tools upang malaman ang kakulangan at kailangang sustansya ng palayan.

Ibinahagi rin ang paggamit ng PalayCheck App, isang android application upang mas madaling imonitor ang palayan.

Sa pamamagitan ng mga rekomendasyong ito, matutulungan ang mga magsasaka na mapabuti ang pamamahala ng palayan at mapataas ang kanilang ani. (FB, DA-PhilRice Isabela, August 10, 2024)