Nitong June 14, 2022 nagsama-sama ang iba’t ibang ahensya na nagpapatupad ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) upang i-demo ang drone seeding ng Rice Extension Service Program (RCEF-RESP) PalaySikatan technology demonstration sa Balanga, Bataan.
Sa paraang drone seeding, maaaring mataniman ang isang ektarya sa loob ng 30 minuto, lalo na kung maganda ang panahon. Dahil kalkulado nito ang dami at distansya, mas nakasisiguro ang mga magsasaka na makatitipid sila sa binhi. Mas madali din ang trabaho dahil hihintayin na lamang ng magsasaka na matapos ang drone at ang operator nito.
Natunghayan ito ng mga magsasaka, partikular na ng mga napiling farmer-cooperator ng PalaySikatan sa lugar at sabik na silang makita ang magiging resulta nito.
“Gusto kong mapatunayan kung makakabawas ba talaga sa gastos, at makakatipid sa krudo at oras itong drone,” kwento ni Gerardo de Leon, isa sa mga farmer-cooperator.
Ito din ang saloobin ni Pilar Parales dahil matagal at magastos nga raw sa binhi kung manual ang pagsasabog-tanim nila.
Ang naganap na drone seeding sa nasabing bayan ay bahagi ng PalaySikatan technology demonstration at convergence launching ng RCEF program.
“Ang convergence ay intervention ng apat na component ng RCEF na seed, mechanization, extension, and credit. Gusto natin na maiangat pa ang ani at kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng paggamit ng mga dekalidad na binhi, pagpapalawig ng makinaryang pampalay, paggamit ng post-harvest facilities at engganyuhin ang mga magsasaka sa agro-enterprise”, paliwanag ni Diane Gabriel, national coordinator ng RCEF seed program sa pamamagitan ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice).
Malaki naman ang pasasalamat ni King James dela Rosa, representative ng MAO Balanga, dahil malaki ang tulong ng paraang drone seeding upang maiangat ang mechanization adoption level ng mga magsasaka sa kanilang bayan.
“Kung ma-aadopt at matututunan natin ang technology ng drone seeding, malaki ang relevance nito sa ating bayan dahil halos lahat ng mga magsasaka ay nagpapractice ng manual broadcasting”, kwento nya. (RCEF Seed Program, FB)