Noong May 31, 2022 ay pormal nang kinilala ang Sariaya Farmer’s Federation (SAFAFED) mula sa Sariaya, Quezon bilang kauna-unahang convergence site ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF sa CALABARZON. Simula ngayong taniman ay makatatanggap na sila ng benepisyo mula sa seed, credit, mechanization, at extension programs.
Ayon kay Nelia Oribe, municipal agriculturist, dahil sa iba’t-ibang programa ng RCEF kasama ng pagiging parte ng PalaySikatan technology demonstration ngayong taniman, matututunan ng mga magsasaka kung bakit mahalaga ang paggamit ng tamang teknolohiya at certified seeds sa pagsasaka. Gayundin, malalaman nila kung paano mababawasan ang kanilang gastos, at paano mapapataas ang kanilang ani. Sa pamamagitan din nito ay inaasahan na mas magiging mahusay at matagumpay pa sila sa larangan ng pagsasaka.
Bilang presidente ng samahan, natutuwa si Edwin Baladad na mas nagiging bukas na ang mga magsasaka sa makabagong teknolohiya dahil sa naturang pagsasama-sama ng mga programa ng RCEF. Kahapon nga ay natunghayan nila ang paggamit ng walk-behind at riding-type na mechanical transplanter sa pangunguna ng DA-Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech).
Ang pagsasama-sama ng apat na bahagi ng RCEF ay isa sa mga nakikitang susi para sa matagumpay na implementasyon ng Rice Tariffication Law o RTL na nagpapasok ng mga imported na bigas sa Pilipinas kaakibat ng karampatang buwis. Ang P10 bilyong taripang nalilikom mula rito ay inilalaan naman sa RCEF upang tulungan ang mga magsasakang Pilipino na mas maging productive at globally competitive. (DA-PhilRice Los Baños, FB)