Kahapon, nagsabog-tanim ang mga miyembro ng Sapang Putik Sahod-Ulan Farmers Agriculture Cooperative gamit ang seed spreader. Ito ang unang beses nilang sumubok ng makinang ito.
Ang seed spreader ay isang motorized knapsack sprayer na namodify upang magsabog ng binhi at pataba. Ito ay magaan at madaling gamitin. Aabot sa 10 kilo ng binhi ang pwedeng ikarga dito kada “loading” at kayang makapagsabog-tanim sa 1.75 ektarya kada araw. Umaabot sa 4 metro ang kayang abutin ng spray nito. Mas pantay-pantay ang pagkasabog ng binhi sa paggamit nito kumpara sa manu-manong pagsasabog-tanim.
Sa tulong din ng seed spreader, posibleng mabawasan ang sobra-sobrang paggamit ng binhi.
“Normally, mahigit dalawang kaban (100 kilo) ang isinasabog namin kada ektarya pero nakita namin na kapag seed spreader, ‘yung 40 kilo sa isang ektarya ay posibleng sobra pa. Malaki ang magiging tipid namin dito sa gastusin [kung ito na ang aming gagamitin],” kwento ni Mamerto Bernardo, isa sa mga magsasaka sa lugar.
Ganito rin ang naobserbahan ni Nanay Vilma Calipay, sekretarya at miyembro ng samahan.
“Para sa katulad kong magsasaka, malaki ang matitipid lalo na sa binhi, pati na rin sa trabaho at sa oras,” sabi niya.
Ang sabay-sabay na pagsasabog-tanim gamit ang seed spreader sa San Ildefonso ay bahagi ng isinasagawa ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Seed Program at Rice Extension Service Program (RCEF-RESP) na PalaySikatan technology demonstration sa lugar. Si Bernardo ay isa sa mga napiling maging farmer-cooperator dito. (RCEFSeedProgram, FB)