Dahil sa talakayang naganap sa RCEF Tekno Gabay sa Mexico, Pampanga nitong Biernes, marami raw ang mababago sa dating nakasanayan ni ka-Palay Enriqueta Esteron sa kanyang pagsasaka. Hindi na siya muling magsusunog ng dayami at ikakalat na lamang niya ito sa kanyang palayan upang maging organikong pataba.

Dagdag pa ni Enriqueta, sisiguraduhin na niyang patag ang lupa bago siya magtanim para sabay-sabay ang paglaki at paggulang ng palay at sa mas madaling pamahalaan ang mga damo at kuhol.

Mahigit 60 ka-Palay ang nakipagtalakayan at natuto sa paghahanda ng lupa, pagtatanim, pamamahala ng sustansiya at peste sa ginanap na aktibidad. (FB, RCEF Extension Program)