Tagisang transplanter sa PalaySikatan

Nagtagisan sa palayan ngunit parehong bumida ang motorized mechanical transplanter at riding type transplanter sa naganap na PalaySikatan ceremonial establishment ng RCEF Seed Program sa Mallig, Isabela noong Lunes, June 3, 2024.

Ang motorized mechanical transplanter ay kayang tamnan ang 1.5 ektaryang palayan sa isang araw na may 20cm distansya kada row at 17.5cm bawat hill. Sa riding type mechananical transplanter naman ay kayang tamnan ang 2-3 ektraya sa isang araw na may 30cm distansya kada row at 15cm kada hill. Sapat na rin ang 40kg na binhing inbred para gamitin sa lipat-tanim kada ektarya.

Ang motorized mechanical transplanter ay isa lamang sa mga makinaryang ipinakilala ng pribadong kumpanya na Guilcor AgriMac mula sa Cagayan de Oro at ang riding type mechanical transplanter naman ay galing sa PHilMech.

Ang dalawang makinarya ay gagamitin sa 50 ektaryang demo-site na pagmamay-ari ng 52 farmer-members ng Casili Dam Farmers Irrigators Association na pinamumunuhan ni Domingo Joson sa bayan ng Mallig.

Sa naturang seremonya, binigyang diin ni Director Joy Bartolome A. Duldulao ng DA-PhilRice Isabela ang pagtutulungan ng RCEF Programs at iba’t-ibang pribadong kumpanya upang maramdaman ang iisang hangarin para sa magsasaka. Ito ay ang mapababa ang gastos at mapataas ang ani at kita.

(FB, DA-PhilRice Isabela, June 5, 2024)