
Napahanga ang mga farmer-cooperator ng PalaySikatan sa Poblacion, Sta. Catalina, Negros Oriental sa walk-behind transplanter, isang makinarya na gamit sa paglilipat-tanim sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund – Rice Extension Service Program (RCEF-RESP) at ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech) gayun din sa Philippine Rice Research Institute (PhilRice). Ito nga raw ang unang beses na nasubukan nila.
Ang walk-behind mechanical rice transplanter ay may kakayahan na matamnan ang 1-1.5 ektarya sa isang araw. Ang agwat ng tanim ay 30 sentimetro bawat tudling at 15-17 sentimetro naman kada tundos. Ang mga punla o “seedling mat” ay tinatanim gamit ang seedling trays o ang dapog medthod. Kung gagamit nito, maaari nang itanim ang punla sa loob ng 14-18 araw na may taas na 12-14 sentimetro. Mangangailangan ito ng 30 – 40 kilong binhi sa isang ektarya.
Kwento nila Kuya Nelson at Tatay Rodolfo ilan sa mga farmer-cooperator sa lugar, napahanga sila dahil pantay-pantay ang pagitan ng pagkakatanim ng mga punla. Mabilis ding matatapos ang pagtatanim.
Dagdag pa nila, swak ang makinarya dahil malaki ang gastos nila sa manwal na paglilipat-tanim. Dati nga raw ay kailangan pa nilang tumawag ng mga tagapag-tanim sa kanilang karatig-barangay tuwing taniman. (DA-PhilRice Negros, FB)

